Mga laro ngayon (The Arena, San Juan)
12:00 noon — San Sebastian vs. Lyceum (srs)
2:00 p.m. — JRU vs. EAC (srs)
4:00 p.m. — St. Benilde vs. Letran (srs)

Hindi makakalaro sina Jerrick Balanza, Chris Dela Pena at Marvin Sario para sa Letran laban sa wala pang panalong College of Saint Benilde Blazers sa third game ng 92nd NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan mamaya.

Napatawan ng one-game suspension ang tatlong Knights matapos masangkot sa gulo sa laro kontra Red Lions noong Biyernes.

Umayon si Management Committee chair Jose Mari Lacson ng host San Beda sa rekomendasyon ni league commissioner Andy Jao na suspendihin ang mga sangkot sa insidente kabilang si Antonio Bonsubre ng Lions.

Nangyari ang girian nang matawagan ng offensive foul si Bong Quinto ng Letran matapos sikuhin si ­Jomari Presbitero ng San Beda 7 seconds na lang sa laro at selyado na ng mga taga-Mendiola ang panalo.

Umeksena si Balanza, siniko rin nito si Presbitero sa mukha dahilan para tawagan siya ng flagrant foul.