Malabong maging rice sufficient ang bansa dahil naubos na ang mga lupang pinagtataniman ng palay.
Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap na rin ng reklamo ng mga magsasaka ng palay na binabarat ang kanilang produkto dahil sa malayang pagpasok ng mga imported na bigas matapos maging batas ang rice tariffication.
Sinabi ng Pangulo na wala ng gaanong nagtatanim ng palay dahil ang mga dating lupang tinataniman ng palay ay ginawa nang taniman ng saging at pinya.
“The Philippines cannot be a rice sufficient nation. We have run out of lands and most of the prime real estate went to big corporations now planting cash crop: banana, pineapple, lahat ‘yan,” anang Pangulo.
Ang ginagawa aniya ngayon ng gobyerno para masagip ang mga magsasaka ay bilhin ang kanilang palay nang mas mataas ng kaunti kahit malugi ang gobyerno.
Wala aniyang pagpilian kundi mag-import ng bigas dahil hindi kayang tugunan ng produkto ng mga magsasaka ang pangangailangan ng buong bansa .
“Buy it at a higher price during harvest time para makabawi sila. Palugi talaga tayo. At the end of the day, COA says that you lose how much? Sabi ko ‘I purposely did it because I have to save the Filipino.’ Its a lost, but we have to,” dagdag ng Pangulo.
Batay sa reklamo ng mga magsasaka mula sa Ilocos at Central Luzon, binabarat ang kanilang palay at binibili lamang ng dose hanggang trese pesos kada kilo kaya nalulugi sila sa kanilang gastos sa pagtatanim.(Aileen Taliping)