Nakakagigil ang ba­litang napalusutan na naman ang Pilipinas ng basura ng ibang bansa dahil sa kalokohan ng ilang tao.
Hindi pa man naibabalik ang basurang nanggaling sa Canada ay may isa na namang problema ang gobyerno dahil sa nailusot na basura mula South Korea.
Pilit kong inilala­rawan sa isipan ko kung ang mapa ba ng Pilipinas ay isang malaking tapunan ng basura dahil sa walang pakundangan ng mga bansang Ca­nada at South Korea na ipadala ang kanilang mga basura sa bansa.
Kahit saang anggulo tingnan ay hindi magandang ga­wing basurahan ang Pilipinas pero bakit may mga Pilipinong pumapayag na ga­wing tapunan ang bansa?
Mabuti sana kung recyclable materials ang mga ito gaya ng nakasaad sa mga dokumento pagpasok sa bansa pero lumitaw sa inspection na pati hospital waste, mga gamit na baterya at mga diaper ay kasama sa mga ipinadala sa Pilipinas.
Delikado sa komunidad ang mga ganitong uri ng basura dahil sa posibleng hatid na sakit at mikrobyo at mas lalo na siguro kung tumagas ang mga ito kapag naulanan o nabasa, bukod pa sa polusyong hatid nito sa hangin at sa lupa kapag hindi inalis agad ang mga ito.
Wala pang komento si Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu pero sinabi ng mga opis­yal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na igigiit nilang maibalik ang mga basura sa bansang pinanggalingan. Pero kailan kaya?
Nakakalungkot lang dahil ilang taon na ang basura ng Canada sa bansa, ang iba ay naaagnas na pero hindi pa nagagalaw pabalik sa pinagmulang bansa kahit pa naipara­ting na ito mismo sa pinakamataas na lider nilang si Prime Minister Justin Trudeau at ngayon ay heto na naman ang panibagong ilang container vans ng basura sa South Korea.
Panghahawakan ng DENR officials ang Basel Convention, ang tratado na nanga­ngasiwa sa kontrol at galaw ng mga ha­zardous waste sa iba’t ibang bansa sa East Asian countries.
Pero ang gustong makita ng mga Pilipino ay makasuhan at maparusahan ang mga taong nagdala ng mga basura sa Pilipinas para hindi na maulit ito at para maibigay ang mensaheng ang Pilipinas ay hindi isang malaking basurahan.
Maghihintay ang publiko kung sa administrasyong ito ay maibabalik na ang mga basurang itinapon sa Pilipinas. siya nawa!