Babasagin ng Philippine women’s national volleyball team ang kampanya sa 19th Asian Senior Women’s Volleyball Championship kontra Hong Kong ngayong alas-6:30 ng gabi sa Alonte Sports Arena sa Biñan.

Sa 12:30 ng tanghali uumpisahan ng Korea at New Zealand ang hostilidad sa torneo na taya ang tiket sa 2018 AVC Asian Cup para sa top 8 finishers.

Pangungunahan ng 2015 champion China ang 13 pang teams na makikipag­rambulan sa biennial tournament.

Bago ang PHL-HK match ay ang opening ceremonies ng torneo.

Isasagupa ni coach Francis Vicente ang team na binubuo nina team captain Mika Reyes, Alyssa Valdez, Jaja Santiago, Jovelyn Gonzaga, Aby Marano, Gen Casugod, Maika Ortiz, Ces Molina, Aiza Maizo-Pontillas, Kim Dy, Kim Fajardo, Denden Lazaro at Dawn Macandili.

Kasama ng Team Pilipinas at Hong Kong sa Pool A ang Kazakhstan.

Nasa Pool B ang heavyweights ­Japan, China at Australia, sa Pool C ang Korea, Vietnam, Sri Lanka at New Zealand, kumukumpleto sa Pool D ang Thailand, Chinese Taipei, Iran at ­Maldives.

Ilang laro rin ang pakakawalan sa Muntinlupa Sports Complex.

Sumabak sa 17-day training camp sa Japan ang Nationals at naghasa ng kanilang blocking, floor defense at ­attack, nagpagpag ng kanilang ‘bad habits’.

Mapapanood ang mga laro ng torneo sa S+A sports channel ng ABS-CBN.