Piloto ng Jetstar sumalang sa alcohol, drug test

Sumailalim sa alcohol at drug test ang mga ­piloto ng Jetstar matapos na magkaaberya sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Sabado nang umaga.

Ito ang inihayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), kahapon bilang bahagi ng ­isinasagawang imbestigasyon para malaman kung bakit bumalagbag ang Jetstar Airways’ Airbus A320 sa Runway 1331 sa NAIA nang ito ay magti-take off na.

“‘Yung dalawang pilotong involved, ­nag-undergo na ito ng medical checkup yesterday—drug and ­alcohol tests,” ayon kay CAAP spokesperson Eric Apolonio.

Nabatid na nakuha na rin ang testimonya ng ­dalawang piloto at hinihintay na lamang ang pinal na impormasyon baho ilabas ang resulta ng imbestigasyon.
“Hindi po natin masasabi sa ngayon kung ano ‘yung pinakarason hangg’t hindi pa nailalabas ang resulta ng imbestigasyon,” ani ni Apolonio.
Kjnakailangan pang marekober ang ‘black box’, o ang flight data at cockpit voice recorder para sa imbestigasyon

“Para ho ma-decode kung ano talaga ang ­nangyari…kapag dinala naman po natin sa ­Singapore, dahil iisa lang po ‘yung authorized niyan, nakapila rin ‘yan. May proseso na kailangan sundin,” dagdag pa ni Apolonio.

Sanhi ng nabanggit na insidente, isinara muna ang Runway 1331 sa operasyon dahilan para ­maantala ang 11 flights sa NAIA.

Bandang alas-10:30 nang umaga noong Sabado, inalis na ang eroplanon sa runway at naibalik ang full operations sa NAIA dakong alas-11:00 nang ­umaga. (Juliet de Loza-Cudia)