Idiniin ni Senador Aquilino Koko Pimentel na sumunod sa batas ang mga negosyanteng nagtatangkang manamantala sa pagtaas ng presyo ng bilihin sa kabila ng sunod-sunod na paglindol sa Mindanao.
Sa isang panayam kay Pimentel, sinabi nitong importante ang disiplina at pagsunod ng mamamayan lalo na ng mga negosyante, sa panuntunang itatakda ng mga awtoridad.
“Bawal po magsamantala, sa pagtaas ng mga bilihin, ipitin ang presyo ng mga bilihin… Importante disiplina, maging law abiding citizen po tayo,” sabi ni Pimentel.
Nilinaw naman ng senador na mayroong kapangyarihan ang mga naaayong ahensya sa pagkontrol ng presyo ng mga bilihin kapag mayroong kalamidad.
Ilang araw lamang ang nakalilipas matapos ang pagtama ng malakas na lindol ay ipinapatupad ng Department of Trade and Industry ang price freeze sa mga bilihin sa tatlong bayan at isang siyudad sa probinsya ng Cotabato na grabeng sinalanta ng lindol.
Todo-bantay naman ngayon ang naturang ahensya sa presyo ng bilihin sa mga bayan at lungsod. (Lorraine Gamo)