Nangunguna sa may pinakamalaking gastos na senador noong 2017 si dating Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na sinundan ng pinakamahirap na miyembro ng kapulungan na si Sen. ­Antonio Trillanes IV.

Pasok din sa Top 5 na pinakamagastos na miyembro ng Mataas na Kapulu­ngan ng Kongreso sina Senador Risa Hontiveros, Bam Aquino at Manny Pacquiao.

Sa inilabas na itemized list of expenses ng bawat senador mula ­Enero 1 hanggang Dis­yembre 31, 2017, naitala sa P127,833,551.38 ang gastos ni Pimentel.

Nagsilbi si Pimen­tel bilang Senate President mula Hulyo 25, 2016 hanggang Mayo 21, 2018.

Sa tala, umabot sa P3,947,530.60 ang gastos nito sa mga foreign travel at P15,660,900.00 sa binayarang professional at consultancy fees.

Umabot naman sa P86,985,595.66 ang kabuuang gastos ni Trillanes.

Kasama rito ang binayaran niya sa professional at consultancy fees na umabot sa P15,679,700.00.

Ikatlo si Pacquiao na may kabuuang gastusin na P86,440,440.79; sinundan ni Hontiveros na may P85,201,009.36; at ikalima si Aquino na may P85,024,505.25.