Bumulagta ang isang 19-anyos na lalak­i na di umano’y kilalan­g holdaper­ at nagtutulak din ng droga makaraan­g pagbabarilin, habang naglalaka­d pauwi sa kanilang bahay, sa Brgy. Payatas-A, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Pasado alas-11:00 ng gabi nang mangyari ang krimen sa Rosa­l Street ­habang nagla­lakad ang biktimang si Kevin­ Medez, na taga-Brgy. Commonwealth­, Quezon City, ay nilapitan ito ng dalawang lalaki na parehong nakasuot ng itim na jacket.

Pinagbabaril ng mga suspek ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa kanyang ulo at iba pang bahagi ng katawan saka mabilis na nagsitakas.

Hindi naman naisugod pa sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima dahil namatay ito noon din sa pinangyarihan ng krimen.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Ope­ratives, narekober sa labi ng biktima ang isang kitchen knife na nakasukbit sa kanyang beywang.

Nakakuha rin sa crime scene ng anim na basyo ng bala mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Napag-alaman naman mula sa mga kaibigan ng biktima na bago ang insidente ay nagtanong pa ito sa kanila kung may naghahanap sa kanya na lalaking naka-jacket.

Pero, sinabihan nila ang biktima na wala naman silang nakitang naghahanap sa kanya. Napansin din umano nila ang kitchen knife na nakasukbit sa beywang ng biktima.

Gayunman, blangk­o ang mga kaibigan ng biktima at maging ang pamily­a nito kung ano ang posibleng motibo sa pagpatay sa kanya dahil bukod sa napakabait di umano ni Medez ay pala­biro din ito at walang nakakaaway.

Kabaligtaran naman ito ng sinabi ng mga opisya­l ng barangay na kilala umano ang biktima na holdaper at nagtutulak ng droga.

Madalas umanong tumambay ang biktima sa Payatas dahil doon ito maraming parokyano sa droga.

Inaalam ngayon ng pulisya kung may closed-circuit television (CCTV) sa lugar kung saan pinagbabaril ang biktima para matukoy ang mga suspek.