Pinagbuklod ng panahon

Bigyan ng proteksyon ang media

May malaking kasalan na magaganap sa Ilocos Norte ngayong Nobyembre 25. Ito ay ang pag-­iisang-dibdib nina lawyer Michael Ferdinand M. Manotoc at Carina ­Amelia Gamboa Manglapus na isang singer, songwriter at dating correspondent ng Japan Times.

Sila ang mga apo ng dating magkalaban sa pulitika – sina dating Pangulong Ferdinand E. Marcos at dating Senador Raul Manglapus.

Noong ideklara ang Martial Law noong 1972, may speaking engagement sa Estados Unidos si Manglapus. Hindi siya pinayagan na makabalik kaya sumunod sa kanya sa Amerika ang asawa at mga anak nito.

Nakabalik lang sa bansa si Manglapus noong 1987. Muling nanalong senador suba­lit kinuha ng noo’y Pa­ngulong Corazon Aquino para maging kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA). Namatay si Manglapus noong 1999 sa edad na 90.

Makalipas ang ilang dekada, nabaon sa ­limot ang away ng dala­wang pamilya. Ikakasal ang anak ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa apo ni secretary Manglapus. Gagawin ito sa San Agustin Church sa Paoay ganap na alas-3:30 ng hapon.

Makaluma ang tema ng kasal kaya’t susundin ang tradisyunal na Ilocano ceremony kung saan ilan sa nakalinyang programa ay ang pagsasagawa ng patupak at magbibigay ng donasyon ang mga bisita sa bagong kasal. Lahat ng makukuhang donasyon ay ibibi­gay naman ng mag-asawa para sa rehabilitasyon ng Marawi.

Masaya si Imee nga­yong lalagay na sa tahimik na buhay ang kanyang anak at tiwala siya na magsasama sila habang panahon. “Alam kong magiging matagum­pay ang kanilang pagsasama. Labs talaga nila ang isa’t-isa,” wika ng gobernadora.

***

Marami ang nagtaas ng kilay nang ianunsyo ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang anim na personalidad na ­gusto niyang ipasok sa senatorial line-up ng PDP-­Laban para sa 2019 elections. Dati nang nauungkat ang pangalan ng apat na politiko pero ang bago sa sinabi ni Alvarez, sina Presidential Spokesman Harry Roque at PCOO Assistant Secretary ­Mocha Uson.

Agad namang nagsa­lita ang dalawa. Wala daw pera si Roque para pa­tulan ang imbitasyon ni ­Alvarez. Nagpapari­nig ba siya para mabigyan ng campaign funds? Ang blogger at singer na da­ting dumudukot ng kargada ng kalalakihan na si Uson ay wala daw balak tumakbo pero kung uutusan siya ni Pangulong Duterte, sino naman siya para tumanggi.

Pati tuloy ang artistang si Alessandra de Rossi, gusto na rin daw tumakbo sa pagka-­senador. “Wait lang. May rubber shoes ako. Tatakbo akong senator,” tweet ng dalagang bumida sa pelikulang ‘Kita Kita’.