Sa unang pagkakataon sapul nang mamatay si Kobe Bryant, nakita ng publiko ang kanyang ama si Joe Bryant.

Nakunan ng larawan ng DailyMail.com si Joe, 65-anyos, nitong Lunes matapos mai-deliver ang isang malaking bouquet ng bulaklak sa bahay nila ng ina ni Kobe na si Pamela.

Naglaro din dati sa ­National Basketball Association si Joe at nakilala sa bansag na ­Jellybean. Dumayo siya noon sa France bitbit ang maliit pang si Kobe kaya matatas magsalita ng French ang dating Lakers legend.

“Devastated” sina Joe at Pamela. Nawalan sila ng anak kay Kobe, 41-anyos, at apo kay Gianna, 13-anyos.

Nagsisimula na umayos ang rela­syon ng mag-amang Joe at Kobe nang maganap ang trahedya ng helicopter crash sa Calabasas, California nitong Linggo.
Sabado ay nakita ng isang hindi pinangalanang kapitbahay si Joe na “all happy and good and talking about the gorgeous weather.”

“Then it switched in 24 hours where their lives were turned upside down,” dagdag ng kapitbahay.

Wala pang statement na inilalabas ang mag-asawang Joe at Pamela. (Vladi Eduarte)