Dear Kuya Rom,

Ako ay 29 years old at wala pang asawa. Gusto ko na sanang mag-asawa, pero undecided ang boyfriend ko kung kailan kami ikakasal. Kami ay 5 years na sa aming relationship. Mas bata siya ng 3 years sa akin.

Parang hindi niya matanggap na maraming ­lalaki ang nakarelasyon ko bago ko siya nakilala. Pero nang sinagot ko siya, nagbago na ako. Siya lang ang lalaki sa buhay ko nga­yon. Sabi ko sa kanya, pinagsisihan ko na ang mga kalokohan ko noon. Kaya naman very close kami sa isa’t isa ngayon.

Kaya lang, feeling ko, may problema pa rin. Naiisip niyang mas may experience ako sa sex kumpara sa kanya, at parang insecure siya na hindi niya ako mapaligaya.

Nag-aalala ang daddy niya sa kanya. Ang advice nito sa kanya ay kalimutan niya ang nakaraan ko, sapagkat lahat ng tao ay may nakaraan, magkakaibang nakaraan.

Sabi niya gusto niyang ihiwalay sa kanyang isip ang babaeng kasama niya ngayon sa babaeng naki­pagrelasyon sa maraming lalaki noon. Gusto niyang ihiwalay kung sino ako ngayon at kung sino ako noon. Hindi ko alam kung paano niya magagawa ito.

Kung magiging issue namin ito palagi, ­kasalanan ko, at parang hindi ko mapatawad ang aking sarili. Anong magagawa ko? — Lani

Dear Lani,

Kausapin mo siya ng masinsinan. Sabihin mo sa kanya na mahal mo siya at siya ang lalaking pakakasalan mo, at sana’y magpakasal na kayo. Nagdesisyon ka nang magbago. Siya lamang ang lalaking iniibig mo. Ginagawa mo na ang nararapat. Ikaw ay nagiging tapat.

Kung insecure siya na hindi ka niya ­mapaligaya sa sex, makakatulong sa kanya ang magbasa ng mga librong gagabay sa kanya upang parehas kayong maging maligaya.

Unawain ninyo ang nakaraan. Ikaw ay nakagawa ng maraming kasalanan noon, sapagkat ikaw ay nagpatangay sa agos ng mundo, nagpakalunod ka sa kamunduhan, at naligaw ng landas.

Posibleng nangyari ito sa iyo kasi inabuso ka noong bata ka. Dahil dito, naging mababa ang tingin mo sa iyong sarili, at napagkamalan mong laruan ka lamang ng mga lalaki. Subalit mahal ka ng Diyos, at nakilala mo ang boyfriend mo.

Patawarin mo ang iyong sarili. Sabihin mo sa boyfriend mo na patawarin ka niya sa iyong ­nakaraan. Kung mahirap ang magpatawad, humingi kayo ng ­tulong sa Diyos. Bibigyan Niya kayo ng kalakasan at karunungan para makapagpatawad.

Parehas kayong lumapit sa Kanya. Gawin ninyong Panginoon si Jesus ng inyong buhay at sundin ninyo ang Kanyang kalooban. Isa sa mga kalooban Niya ay pagpapatawad.

Malaking pagpapala sa inyong buhay ang pana­nampalataya kay Jesus. Panaligan ninyo ito: “Ang sinumang nakay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; siya ay bago na” (2 Corinto 5:17). May God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom