Isang lalaki ang patay matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Lungsod ng Quezon kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) ay ganap umanong alas-11:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa isang eskinita sa Barangay Old Balara ng nasabing lungsod. Kinilala ang biktimang si Joel So, nasa hustong gulang ng nasabi ring lugar.

Base sa salaysay ng mga residente sa lugar ay basta na lamang umano silang nakarinig ng nasa apat na sunud-sunod na putok ng baril at nang kanila na itong usisain ay doon na tumambad ang wala ng buhay at tadtad ng tama ng bala na biktima na nakahandusay na sa isang eskinita.

Napag-alaman naman mula sa kapatid ng biktima na si Joseph So na dati nga umanong nasangkot sa ilegal na kalakaran ng ipinagbabawal na gamot ang kapatid ngunit matagal na panahon na umano itong huminto sa paggamit ng droga at nagbago na.

Sa ngayon ay kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad, inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng salarin at kung ano ang posibleng motibo nito sa pagpatay sa biktima.