Naurong sa isang linggo ang pagpapalabas ng pinal na listahan ng mga kandidato para sa 2019 midterm election.
“The Comelec has announced that the release date for the final list of candidates for the national and local elections has been moved to the latter half of next week,” pahayag ni Comelec spokesperson James Jimenez.
Paliwanag ni Jimenez, kailangang palawigin ang pagpapalabas ng pinal na listahan dahil marami pang nakabinbing petisyon mula sa mga ipinadi-diskuwalipikang kandidato na kailangan pang resolbahin ng komisyon.
“This will allow pending issues related to several candidacies to be settled, without negatively impacting the final contents of the 2019 ballot,” dagdag ni Jimenez.
Tiniyak naman nito na hindi makakaapekto sa schedule ng kanilang mga aktibidad ang naudlot na pagpapalabas ng listahan ng mga kandidato.
Nauna nang sinabi ng Comelec na ngayong araw nang Sabado nila ilalabas ang pinal na listahan.
Samantala, isinagawa kahapon ng komisyon ang ‘trusted build’ process ng Election Management System (EMS) para sa automated election system (AES) na gagamitin sa nalalapit na halalan.
Kalakip ng EMS ang bilang at profile ng mga rehistradong botante, ang kanilang geographic location, impormasyon ng mga polling precinct at iba pa na mahalaga sa pagdi-disenyo ng opisyal na balota.