Nasawi ang isang construction worker matapos paghahatawin ng pala sa ulo ng kanyang kasamahan sa trabaho, kahapon ng madaling-araw sa kanilang construction site sa San Andres, Maynila.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Jonathan Bautista ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, idineklarang dead-on-arrival sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si Jul Velasco, 36, stay-in construction worker, at taga-11th Avenue Extension, HHSG North Signal Village, Taguig City dahil sa matinding pinsala sa ulo.

Inaresto naman ang suspek na si Isagani Cano, 36, construction worker, tubong Northern Samar, at kapwa stay-in worker sa A. Francisco corner Onyx St. San Andres, Maynila.

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-2:30 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa construction site. Natutulog ang biktima nang lapitan umano ito ng suspek at ilang beses na hinataw ng pala sa ulo dahilan para magtamo ito ng seryosong injury.

Nakita ng kasama­han sa trabaho na si Julius Oribiana ang biktima na naliligo sa sariling dugo dahilan para isu­god sa pagamutan pero idineklara itong dead-on-arrival.

Inaresto naman nina PO1 Adonis Camacho ng MPD-Police Station 6 ang suspek matapos ireklamo ni Oribiana dahil sa kaguluhan sa construction site.

Sa imbestigasyon, nabatid na personal at matinding galit umano sa biktima ang nag-udyok sa pagpaslang ng suspek.