Pinalakas na anti-terror law pasado sa Senado

Inaprubahan na sa ikatlo at hu­ling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na magpapalakas sa kampanya ng pamahalaan kontra ­terorismo.

Sa botong 19-2, ipinasa ng kapulungan ng Senate Bill 1083 o ­Anti-Terrorism Act of 2020 na naglala­yong amiyendahan ang ­Human ­Security Act of 2007.

Sa ilalim ng panukala, lahat ng mga parusang igagawad ng batas ay may katapat na habambuhay na pagkakabilanggo na walang karampatang parole.

Sakaling ang mga akusado ay kawani ng gobyerno, sisibakin ang mga ito sa trabaho at hindi na bibigyan pa ng pagkakataon na makabalik sa serbisyo. Hindi rin sila pagkakalooban ng mga benepisyo.

Sa inaprubahang panukala, bibigyan din ng kapangyarihan ang mga tagapagpatupad ng batas o military personnel para isailalim sa surveillance o pagmamatyag ang mga indi­biduwal o organisasyon, obli­gahin ang mga telecommunication company na ibunyag ang mga tawag at mensahe sa kanilang network, magsagawa ng pag-aresto na walang ­warrant at ikulong ang mga ito sa loob ng 14 na araw. (Dindo ­Ma­tining)