Malagim ang sinapit na kamatayan ng isang 21-anyos na dalaga matapos itong saksakin ng kanyang nakababatang kapatid matapos pangaralan ang huli sa Sta Rosa City, Laguna noong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Lyka Caserez De Guzman, online seller, residente ng Brgy. Market Area, Sta. Rosa City.

Batay sa report ng Sta. Rosa City police, sinaksak ng kanyang kapatid na si Jaylord Caserez Magsumbol, 18, ang biktima matapos silang magkasagutan sa loob ng kanilang apartment.

Nabatid na magkapatid lamang sa ina ang dalawa subalit magkasamang naninirahan sa kanilang bahay kasama ang kanilang nanay.

Umuwi umanong lasing ang suspek kaya nagalit ang biktima at sinabihan ito, na ikinapikon ng suspek.

Tuluyang nagdilim ang isip nito at tinadtad ng saksak ang kanyang ate.

Naaresto naman ng mga pulis ang suspek at nakakulong na sa custodial facility. Sinampahan na rin ito ng kasong homicide. (Ronilo Dagos)