Nagpahayag ng pagka-alarma si Senate President Pro Tempore Ralph Recto kaugnay sa P20 bilyong video surveillance system na ilalagay sa buong Metro Manila at Davao City dahil isang Chinese company na blacklisted sa ibang bansa ang magiging supplier ng proyekto.

Inungkat ng senador sa deliberasyon ng Senado hinggil sa 2019 national budget na posibleng maging banta sa seguridad ng Pilipinas ang nasabing proyekto dahil ang kompanyang Huawei ang supplier aniya ng mga ikakabit na CCTV camera bagay na nakakabahala dahil blacklisted ito sa ibang bansa sanhi ng hacking at pag-eespiya.

Nabatid na ‘affiliated’ aniya ang Huawei sa China Telecom na ka-partner ng Mislatel consortium na siyang nagwagi bilang 3rd telco player sa Pilipinas.

Nababahala ang senador na baka makompromiso ang seguridad ng bansa kapag nangyari ito lalo pa at magkakaroon aniya ng ‘access’ ang nasabing kompanya sa surveillance system at sa database ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Recto, kabilang ang nasabing proyekto sa mga nilagdaang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China nang bumisita si Chinese President Xi Jinping noong nakalipas na buwan.

Lumagda aniya sa kontrata sina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at ang chairman ng Chinese company.