Magandang buena-mano ang unang araw ng bakbakan sa PH 30th Southeast Asian Games 2019 tapos humakot ng 21 medalyang ginto ang mga Pilipino athlete nitong Linggo sa iba’t-ibang playing venues sa Luzon.

Nasa tuktok ng medal standings ang Pilipinas matapos pumitas pa ng 11 silver at 5 bronze medals habang malayong nasa pangalawang puwesto Vietnam ma ayroong 5- 12-7 at pumapangatlo ang Singapore sa 3-2-4.

Pinakamaraming nabingwit na tagumpay ang dancesports na may 10 golds na pinangunahan ng may apat na gintong pares nina Wilbert Aunzo at Pearl Marie Caneda na bumida sa cha cha, rumba, samba at five dance ng Latin American sa 1-day event event sa Royce Hotel sa Clark, Pampanga.

Nakatatlo ang tambalan nina Sean Micha Aranar at Ana Leonila Nualla sa standard tango, viennesse waltz at five.

Kumumpleto sa atake ang may 2 gold ang tandem nina Mark Jayson Gayon at Mary Joy Renigen sa slow foxtrot at waltz, habang wagi sina Michae Angelo Marquez at Stephanie Sabalo sa paso doble.

‘Di nangpaiwan ang arnis na nakapalo ng apat na gold sa pamamagitan nina Dexler Bolambao, Niño Mark Talledo, Villardo Cunamay at Mike Bañares.
Kinalawit nina John Leerams ‘Rambo’ Chicano at Kim Remolino ang gold at silver sa men’s division, makalipas ang ilang oras ay sina Marion Kim Mangrobang at Kim Kilgroe ang nag-1-2 finish sa women’s side.

Pumitas din ng ginto sa umagang banatan ang national women’s squad sa sepak takraw na pinangunahan ni playing coach Deseree Autor at sa hapon na laban ay ang men’s division naman ang humablot ng ginto.

At naging highlight naman kinagabihan ang pagsilo ni Carlos Edriel Yulo ng ginto sa men’s artistic gymnastics sa Rizal Memorial Coliseum sa Malate, Manila. (Elech Dawa)