Mistulang inarmasan ng Estados Unidos ang Armed Forces of the Philippines (AFP) makaraang magpadala ito ng kahon-kahong ‘rockets’ para magamit sa patuloy na pagpuksa ng Philippine Air Force (PAF) sa kanilang airstrikes laban sa mga teroristang grupo sa Marawi City.
Mismo ang ilang opisyal ng Joint United States Military Assistance Group (JUSMAG) sa tulong ng embahada ng Amerika ang nag-deliver sa may 1,045 na ‘2.75 rocket motors’ at 992 na ‘2.75 rockets’ sa Villamor Air Base.
Sa pamamagitan ng Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) ng dalawang bansa, isinakto ang pagpapalakas ng AFP sa counterterrorism efforts nito partikular sa pakikipagsagupa sa Maute Group sa Marawi.
Ang pag-armas ng Estados Unidos ay bahagi lamang ng malakihang paglipat sa iba’t ibang sangay ng AFP sa pamamagitan ng naturang agreement at ng security assistance program.
Ibig sabihin, malayang makakapili at makakatanggap ng kagamitang militar ang AFP mula sa US Armed Forces sa kanyang military stock na nakareserba para sa kaalyado at malapit na kasosyo ng Estados Unidos.