Inihahanda na ng Bureau of Customs (BOC) ang lahat ng regulatory requirements upang tuluyan nang maibalik sa South Korea ang tone-toneladang basura na iligal na ipi­narating sa Misamis Oriental noong nakaraang taon.

Sa isang opisyal na paha­yag ng BOC, nagkasundo ang Pilipinas at pamahalaan ng South Korea na ibalik sa kanila ang smuggled na basura na nasa 51 container van patungong Pyeongtaek City sa Enero 9.

Ayon kay Mindanao International Container Terminal (MICT) Port Collector John Simon, inaasahan nila na ang 51 containers na puno ng mga basura na nakatambak sa natu­rang port ay matiyak na wala nang magiging sagabal upang tuluyan nang maibalik sa naturang bansa.

Noong Nobyembre ng nakaraang taon, naharang ng Customs ang 1,200 toneladang basura na nakalagay sa loob ng 51 container van na dumating noong Oktubre 21 sa MICT mula sa South Korea.

Ang ‘misdeclared’ na kargamento ay naka-consign sa Verde Soco Philippines na siya rin ang consignee sa mga basura mula sa South Korea na dumating sa pamamagitan ng barko sa Tagoloan, Misamis Oriental noong Hulyo 21. (Mina Aquino)