Pinas namumuro sa UN

Namumuro sa economic at military sanctions ang Pilipinas kapag napatunayan ng United Nations (UN) na sistematiko na ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang suspek sa iligal na droga sa bansa.

Gayunpaman, agad na nilinaw ni Kabayan party-list Rep. Harry Roque na malayo pa sa ganitong senaryo ang Pilipinas mali­ban lamang kung hindi kumilos si ­Pangu­long Rodrigo Duterte para sugpuin ang mga nagsa­sagawa ng summary ­execution.

“Kung napakasama na ng lagay ng patayan sa Pilipinas at kinakailangan nang maglagay ng mga sanction, economic muna and then military sanctions,” pahayag ni Roque at kapag hindi umano napigilan ito ni Duterte ay malamang na irerekomenda na sa UN Security Council na litisin na sa ­international criminal court ang Pangulo.

Sa ngayon ay libre pa, aniya, si Duterte sa mga ganitong aksyon ng UN sa mga lider ng mga bansa dahil dalawang buwan pa lamang ito sa puwesto at posibleng hindi pa umano alam ng Pangulo ang kanyang obligasyon bilang Pangulo.

Naniniwala si Roque na hindi magpapatinag ang UN sa mga banta ni Duterte dahil tungkulin ng mga ito na ipagtanggol ang karapatang pantao, hindi lang sa Pilipinas kundi sa mga bansang kasapi.