Pinas umutang uli ng $500M sa World Bank

Muling nangutang ang administrasyong Duterte ng $500 milyon sa World Bank (WB) upang matustusan ang gastusin sa pagtugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic lalo na ang epekto nito sa mga mahihirap at manggagawa na nasa micro, small and medium enterprise (MSME).

Ayon sa Department of Finance (DOF), pinirmahan nina Finance Secretary Carlos Dominguez III at ng WB acting country director for Brunei, Malaysia, Philippines, and Thailand noong Miyerkoles ang kasunduan para sa utang na tinaguriang Emergency COVID-19 Response Development Policy Loan sa Pilipinas.

Sabi ni Dominguez, ito na ang pangatlong pautang ng WB sa Pilipinas para tulungan ang gobyerno na matugunan ang problemang dala ng COVID-19 sa bansa.

Ang naturang kasunduan sa pautang ang papalit sa dating pinag-uusapang policy loan para mapalakas ang kakayanan ng bansa sa pag-ahon sa mga kalamidad.

Babayaran ang utang sa loob ng 29 taon at may grace period na mahigit na isang dekada. Inaasahang makukuha ng DOF ang pera sa ikatlong linggo ng Hunyo.

Noong Abril 28 ay umutang na ang Pilipinas ng $100 milyon sa WB para sa COVID-19 Emergency Response project nito. Bago ito, umutang pa ang Pilipinas ng $500 milyon sa WB para sa tinatawag nitong Third Disaster Risk Management Development Policy Loan upang madagdagan ang panggastos ng gobyerno sa pagtugon sa krisis pang-ekonomiya at pangkalusugan na dulot ng COVID-19.(Eileen Mencias)