Tuluyan ng hindi na­gising sa mahimbing na pagkakatulog ang isang 22-anyos na binata nang dalawang beses itong barilin sa kanyang bungo ng isa sa riding-in-tandem criminals sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Dumanak ang dugo sa mismong kinahihigaan ng biktima na kinilala ni SPO1 Marvin Masangkay ng Criminal Investigation Detection Unit ( CIDU ) at may-hawak ng kaso na si Renato Flores y Becanda alyas Tanoy ng Liwanag St., Brgy. Old Balara QC.

Ayon kay SPO1 Masangkay, nangyari ng insidente dakong ala-1:45 ng hatinggabi sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Eastbound, Brgy. Old Balara.

Sa pahayag sa im­bestigador ng isang testigo na si Richard Ventura, miyembro ng Anti-Crime Task Force ng Barangay, nagpapatrulya siya sa may footbridge ng Commonwealth Avenue nang makarinig ng mga putok ng baril malapit sa United Planters Bank of the Philippines sa nasabing lugar at agad nitong pinuntahan.

Pagdating ay bumungad sa kanya ang biktima na na­tutulog sa may platform ng pinto ng ATM machine ng nasabing bangko na naliligo ng sariling dugo.

Nakita rin umano ni Ventura ang suspek na mabilis na naglalakad patungo sa naghihintay na kasamahang nasa motorsiklo hindi kalayuan sa lugar ng krimen bago nagsitakas.