Pinatay na PMA cadet nakaburol sa Cagayan de Oro

Iniuwi na ang labi ni Philippine Military Academy (PMA) Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio sa kanyang hometown sa Cagayan de Oro matapos ang isang araw na burol sa loob ng PMA sa Baguio City.

Bandang alas-12:00, Sabado nang tanghali, nang ilabas ang labi ni Dormitorio mula sa PMA at isinakay sa aircraft at lumipad patungo sa Cagayan de Oro bandang alas-12:51.

Samantala, pansamantalang isinara para sa mga bisi­ta ang PMA bilang pagbibigay ng privacy sa nasawing PMA cadet.

Sa pinakahuling report, nasa anim na persons of inte­rest at nasa 20 iba pa ang subject for investigation kaugnay sa pagkamatay ni Dormitorio.

Ito ang kinumpirma ng Baguio City Police Office (BCPO) matapos ilabas ang autopsy results ni Dormitorio na nasawi noong Miyerkoles, Setyembre 18, dahil umano sa trauma na naganap sa hazing.

Ayon kay BCPO director, Col. Allen Rae Co, mahaharap sa kasong administratibo ang tatlong hindi muna pina­ngalanang persons of interests kabilang ang isang third class cadet, second class cadet, at nasa fourth class cadet dahil sa paglabag sa anti-hazing law.

Tatlo pang nonfaculty employees ang ikinukonsiderang persons of interest sa patuloy na isinagawang military at police joint investigation.

Kasalukuyang nasa stockade confinement ang third class at second class cadets habang nasa holding area pa ang fourth class cadet.

Samantala, subject to investigation pa ang 20 kadete upang malaman kung may kinalaman sila ay naganap na insidente. Karamihan sa mga ito ay kasamang naninira­han ni Dormitorio sa building.

(Vick Aquino)