Napanaginipan ko pong pinatay ako ng lalaking mahal ko. Sa aktuwal na buhay, mahal ko po siya kahit hindi niya ako mahal. Balak ko na pong tapusin ang relasyon namin para sa ikabubuti ng lahat.
Tapos nanaginip ako na pinatay niya ako. Pero nabuhay ako muli. Nasa isa kaming closed space na may mga paso ng mga halaman. Gulat na gulat siya na buhay ako. Sinabi niya sa akin, “Paano ka nabuhay? Patay ka na.
Sinaksak kita ng 16 na beses. Imposible ito,” pero buhay na buhay ako, walang mga saksak sa katawan. Ang tinapusan ng panaginip ko, matamis lang akong nakangiti sa kanya tapos siya, parang tinanggap na lang na nabuhay akong muli.
Ang panaginip tungkol sa kamatayan ay sumisimbolo sa isang pagtatapos at bagong panimula. Simbolo rin ito ng transpormasyon o malaking pagbabago.
Kung pagbabasehan ang iyong panaginip, tumutugma ito sa iyong plano sa aktuwal mong buhay. Sinabi mong meron kang karelasyon pero hindi ka mahal ng lalaki. Sinabi mo rin na sa totoong buhay ay gusto mo nang tapusin ang inyong relasyon ‘para sa ikabubuti ng lahat.’ Sa sinabi mong ito, puwedeng ipagpalagay at isipin na merong mali o posibleng may bawal sa relasyon niyo.
Ang plano mong pakikipagkalas sa lalaking mahal mo ang naging trigger o mitsa para mapanaginipan mong pinatay ka ng iyong karelasyon. Meron ka kasing ikinokonsiderang transpormasyon, pagbabago sa buhay mo at ito nga ay ang pakikipaghiwalay sa kanya. Ito ang pinakamalapit na interpretasyon sa iyong panaginip—isang pagtatapos at isang pagsisimula.
Sa iyong panaginip, nakita mong nagulat pa ang lalaki dahil buhay ka sa kabila ng 16 na saksak niya sa iyo. Ang mga saksak na iyon ay maikokonek mo naman sa paulit-ulit na sakit na naranasan mo sa one-sided na relasyon. Ikaw lamang ang nagmamahal kaya ikaw ang paulit-ulit na nasasaktan sa relasyong ito.
Pero sa iyong panaginip, nakita mong nabuhay ka, walang anumang sugat sa katawan at nagawa mo pang ngumiti sa lalaking mahal mo. Ito naman ay puwedeng mensahe ng iyong isip na kung meron ka pang katiting na pagdududang nararamdaman kung tama ang plano mong pakikipagkalas ay dapat mo nang ituloy ang plano. Malinaw ang mensahe ng iyong subconscious, na handa ka nang makipagkalas sa iyong karelasyon. Nakita mo ang sarili mong walang sugat at nakangiti kaya ito naman ay nagpapakitang makakayanan mo ang sakit na idudulot ng tuluyang pagtapos sa relasyon.
Kung ang iyong panaginip ay mensahe ng iyong subconscious, walang duda na tama ang iniisip mong desisyon. Ituloy ito at isarado na ang lumang chapter ng buhay.
Tapusin na ang sakit na dulot ng one-sided love affair. Move on dahil sapat na ang iyong pagtitiis.
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.