Pinay, 2 foreigner nahulihan ng milyong droga

Umaabot sa P4 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang Nigerian, isang Cameroonian at isang Pinay sa ikinasang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency-Regional Office-National Capital Region (PDEA-RO-NCR) kamakalawa nang gabi.

Sa nakalap na report kay Director III Joel B. Plaza, regional director ng PDEA-RO-NCR, ang mga naarestong suspek ay sina Ifeanyi Augustine Chinwueba, Nigerian, 30-anyos; Antoine Negou Fotie, Cameroonian, 40; at Jeneth Fotie y Morcilla, Pilipino, 24, pawang residente ng Mabalacat, Pampanga.

Nagsanib-puwersa ang mga tauhan ng PDEA-RO-NCR Regional Special Enforcement Team (RSET) at PDEA RO-3 sa ikinasang buy-bust laban sa mga suspek bandang alas-10:00 Martes nang gabi nang magkasundo at makipagkita sa poseur buyer sa isang gasoline station sa EDSA, northbound na sakop ng Barangay Forbes Park, Makati City at doon nagpalitan ng item at marked money.

Nakumpiska ang limang pirasong transpa­rent plastic pack na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng 600 gramo na may street value na P4,080,000.00. (Vick Aquino)