Pinay na binantaan ng amo balik ‘Pinas na

Pinay na binantaan ng amo balik ‘Pinas na

Nakabalik na sa bansa ang isang Pinay domestic helper na pinagbantaang papatayin ng kanyang amo sa Jeddah, Saudi Arabia.

Dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Miyerkules ng gabi, Pebrero 13, ngayong taon si Reynalyne Constantino.

Ang 43-anyos na si Constantino ay tubong-Cabuyao Laguna.

Nagtrabaho ito bilang kasambahay sa Jeddah simula noong Disyembre ng nakalipas na taon.

Pero makalipas lamang ang ilang linggo ay nagpasaklolo na ito matapos umanong pagbantaan na papatayin ng kanyang employer na si Maryam Awadh Ai Nofayei. Pinagbintangan umano si Constantino na may kinuhang bagay sa bahay ng amo nito.

Isa si ACTS-OFW Party-list Rep. John Bertiz sa tumulong sa Pinay para agad itong makauwi sa Pilipinas.

“January 23 pa lang, nasa custody na si Reynalyne ng Al Mashhoury (foreign recruitment agency) para ma-process na ang kanyang exit clearance, pero kinuha ulit siya ng kanyang employer para magtrabaho kaya kinailangan nating kulitin naman yung local agency niya para makabalik siya sa Al Mashhoury. Nagpapasalamat pa rin tayo dahil in God’s grace naiuwi na natin siya sa kanyang pamilya,” sabi ni Bertiz.