Nagkamalay na ang isang Pinay na kabilang sa anim na mga biktima na ina­raro ng sasakyan habang nakaistambay sa side road ng Lucky Plaza Shopping Mall sa Orchard Road sa Singapore na popular sa mga Pilipino noong Linggo nang hapon.

Ayon kay Reynaldo Nucos, nagkamalay na ang biktimang si Arceli Nucos, 56-anyos, subalit hindi pa nila ito makausap.

“Sa awa ng Diyos conscious na siya. ‘Di namin puwedeng kausapin, mahigpit din dun. Lagi silang tumutulong bukod sa amin, sa mga pamangkin, mga kaibigan, sa mga pinsan,” ani Reynaldo.

Ang nakababatang kapatid ng biktima na si Arlyn Nucos, 50, na agad na namatay sa aksidente ay naiuwi na sa bansa nitong Miyerkoles at ibuburol sa kanilang tahanan sa sa Caba, La Union sa Enero 12.

Habang ang isa pang Pinay na nasawi rin sa aksidente na si Abigail Leste, 41, ay iuuwi na rin sa bansa ngayong Huwebes (January 2), ayon sa Philippine embassy sa Singapore.

Ang dalawang biktima ay namatay habang ginagamot sa Tan Tock Seng Hospital. Sina Arceli at biktimang si Ednal Layugan Limbawan ay pawang nasa kritikal na kondisyon habang nakalabas agad ng ospital sina Laila Laudenia at Demet Limbawan. (Dolly Cabreza)