Pinaghahanap nga­yon ang isang Pilipina na nawala matapos magbakasyon sa Bali, Indonesia simula pa noong Disyembre 25, 2018.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang resort worker sa Coron na si Ella Balmaceda Paaño, 25-­anyos, ay nagtungo sa Bali noon pang Dis­yembre 22 ng nakaraang taon at dapat sana’y nakauwi na ito ng Pilipinas noong Disyembre 28.

Base sa Facebook page na “Ella Balmaceda Paano Missing Person”, umarkila si Paaño ng scooter na may registration number DK-5196-ABA, sa Denpansar, Bali noong Disyembre 22 hanggang 28 pero hindi pa nito naibabalik ang sasakyan hanggang sa kasalukuyan.

Sumama umano si Paaño sa kaibigan nitong babae na Russian national nang magtungo sa bayan ng Ubud sa Bali noong Disyembre 22 at tumuloy sila sa Ojek’s Homestay mula Dis­yembre 22 hanggang 23.

Noong Disyembre 23, namasyal sila sa Goa Rang Reng Waterfalls at Air Tejun Tukad Waterfalls at nagpalipas ng gabi sa Ari Accomodation sa bayan ng Sanur.

Dakong alas-dos ng hapon, Disyembre 24, ay naghiwalay na si Paaño at ang kaibigan nitong Russian dahil gusto pa umanong mamasyal ni Paaño sa northern ­areas ng Bali sakay ng inarkilang scooter.

Hapon ng Disyembre 24 ay nagtungo si Paaño sa Twin Lakes at kinagabihan ay nag-message ito sa kaibigang Russian na gusto pa niyang mag-ikot sa isla.

Nagpadala rin umano si Paaño ng screenshot ng mapa ng port town ng Singaraja kung saan siya naroroon nang mga oras na iyon.

Pero, Disyembre 25 ay nawalan na ng kontak kay Paaño ang kanyang pamil­ya na inaasahan nilang makakauwi na sa Pilipinas ng Disyembre 29.

Labis ang pag-­aalala ngayon ng kanyang ­pamilya at mga kaibigan.

Nakipag-ugnayan na rin ang Philippine ­Embassy sa Jakarta sa Filipino community sa Indonesia at sa publiko hinggil sa impormasyon ng kinaroroonan nito.

Kamakailan ay ­lumuwas sa Maynila ang mga kapatid niya mula sa Camarines Sur para hilingin ang tulong ng DFA upang matagpuan si Paaño.