Arestado ang dalawang Chinese makaraang pagtulungan umanong gulpihin ang isang Pinay na empleyado nila sa isang KTV bar sa Pasay City kahapon.
Kinilala ang mga nadakip na dayuhan na sina Chen Wen Li, 29-anyos, babae, turista, nanunuluyan sa A. Avenue Suites sa Makati City at si Liu Xu Ming, 27-anyos, isang POGO worker at nakatira sa Azure Residence Condominium sa Parañaque City.
Sa ulat ng Pasay City Police, alas-9:20 ng umaga nang makatanggap ng tawag sa telepono ang kanilang mga tauhan sa CCP Police Community Precinct buhat sa mga security guard ng HK Sun Plaza ukol sa kaguluhan sa loob ng HK88 KTV Bar sa may Macapagal Blvd., Barangay 76, Pasay City.
Sa pagresponde nina PCpls. Marvin Tungpalan at Marsan Dolipas, nakita ang isang babae na umiiyak at biglang tumakbo patungo sa kanila.
Nakilala itong si Monica Mae Santos, 28-anyos, marketer sa loob ng HK88 KTV at stay-in sa naturang lugar.
Sa kanyang salaysay, pinagtulungan umano siya nina Liu at Chen na gulpihin at pagtatadyakan nang hindi siya makasunod sa iniuutos sa kanya ng mga among Chinese national.
Dahil sa reklamo, inimbitahan ng mga pulis ang dalawang suspek sa presinto para isailalim sa imbestigasyon.
Sa ngayon ay nahaharap sa kasong physical injuries sa Pasay City Prosecutor’s Office ang dalawa. (Armida Rico)