Mistulang sinisi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang employer ng Pinay nurse na nasawi sa Saudi Arabia sa pagkaantala ng pagbabalik sa bansa ng kanyang labi mula nang masawi noon pang Oktubre ng nakaraang taon.

Base sa pagharap ni Vimar Corpuz, anak ng nasawing OFW kay Jajenor Josin, ng DFA-Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs, hanggang sa kasalukuyan ay ipinagkakait pa rin ng Prince Abdul Mosen General Hospital ang mga kinakailangang dokumento upang mapauwi na sa bansa ang labi ng 60-anyos na si Evelyn Corpuz na nagtatrabaho bilang nurse sa naturang pagamutan.

Mismong si Josin na ang tumawag sa employer ng nasawing nurse na si Mr. Mahdi Mahel Al Balawi, na siyang Human Resources­ (HR) ng nasabing pagamutan kung saan ikinatuwiran naman nito na isang beses lang daw nagtungo sa kanila ang kinatawan ng konsulado ng Pilipinas at hindi na ito bumalik pang muli.

Dahil dito, kinausap na ni Josin ang DFA Vice Consul sa Jeddah na si Limmuel Lopez at tiniyak na siya na ang magtutungo sa employer ni Evelyn upang alamin kung bakit ipinagkakait ang kinakailangang dokumento.

Ipinangako naman ni Lopez kay Josin na gagawin nilang lahat para maiproseso ang mga dokumento na hinihingi ng King Fahad General Hospital na kung saan naratay hanggang sa masawi ang Pinay.