Humihingi ng tulong sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pamilya ng isang Pinay nurse na ilang buwan nang nasawi sa Saudi Arabia pero hindi pa rin maiuwi sa bansa ang mga labi.

Sa kanyang liham sa Abante Tonite, sinabi ni Vimar Corpuz ng Anda, Pangasinan, na isang registered nurse ang kanyang inang si Evelyn Corpuz, 60-anyos, at 11 taon nang nagtatrabaho sa Prince Abdul Mohsen Hospital sa Saudi Arabia.

Agosto 6, 2018 nang tumawag sa kanya ang katrabaho ng ina na isang Ms. “After daw mag-dialysis ng nanay ko bigla na lang daw nag-deteriorate at nawalan na ng malay. Ang diagnosis po ay multiple hemorrhagic contusion,” ani Corpuz.
Ayon kay Corpuz, noong Agosto 7 sa nakalipas na taon, inilipat ang kanyang ina sa King Fahad General Hospital Jeddah para sa follow-up medication.

“Sinubukan ko po mag-request at humingi ng tulong sa OWWA upang makapunta man lang sana sa Saudi at makita siya pero pinaliwanag po sa akin na mahaba po ang process at depende pa sa employer ng nanay ko kung bibigyan ako ng visa at parang baliwala lang ang request ko,” salaysay ni Corpuz sa kanyang liham,

“Dahil napakaikli ng chance na mapuntahan ko yung nanay ko, sinabi ko na lang sa OWWA na since walang pag-asa na makapunta ako o isa sa amin ng pamilya ko sana naman mapuntahan ng mga taga-OWWA yung nanay ko. Ang sabi po sa akin ay iuupdate po ako,” ani Corpuz.

Pero simula aniya noon wala kahit isang opisyal ng OWWA ang nag-update sa kanila tungkol sa kalagayan ng kanyang ina at ang tanging­ nagbabalita lamang sa kanila ay isang Pinay nurse na nagtatrabaho sa King Fahad General Hospital.

Ayon kay Corpuz, wala ring pumuntang kinatawan ng OWWA at DFA upang bisitahin at tingnan ang kanyang ina.
“Noong September 17, 2018, naka chat ko po yung si Nadj (nursing supervisor na Filipina sa KFGH) sabi nya na walang representative from either OWWA or DFA ang bumisita man lang sa nanay ko” sabi ni Corpuz.

Oktubre 27 ng nakaraang taon nang pumanaw umano ang kanyang ina sa nasabing ospital.

Bumalik si Corpuz sa OWWA para tanungin kung ano ang kailangan para maiuwi ang mga labi ng kanyang ina pero pinapunta siya sa DFA.

Aniya, noong Nobyembre 6 ay nakapagbigay na sila ng kumpletong dokumento na hinihingi ng DFA pero pinababalik pa ng isang buwan para maiproseso ang kanilang mga papeles.

Sabi ni Vimar, simula noon ay lagi na siyang tumatawag sa DFA pero sinabihan lang umano siya na nagpasa na ang kagawaran ng update sa konsulado sa Saudi Arabia at hintayin na lamang ito.
Pero hanggang Enero 20, 2018 ay wala pa rin aniyang linaw o update ang OWWA o DFA kung kailan maiuuwi ang mga labi ng kanyang ina.

“Nakakainggit po yung dalawang OFW na nagpunta mag honey­moon at nalunod/namatay napublished sa media ang bilis ng aksyon ng gobyerno. Yung nanay ko po ilang buwan na po sa freezer naghihintay pa rin kami. Sana po sa tulong ng Abante mapabilis ang pag-uwi ng nanay ko,” ani Corpuz.