Patay ang isang Pinay nang pagbubugbugin ng kanyang sariling anak sa loob ng kanilang tinitirhang apartment sa Vienna, Austria.

Sa natanggap na report ng Department of Foreign Affairs (DFA), natagpuang walang buhay sa loob ng kanilang apartment ang biktima na nakilala lamang sa pangalang Elna B., 65-anyos, na isang Filipina migrant sa Vienna.

Lumalabas sa imbestigasyon, tinangkang tumakas ang anak ng biktima sa pamamagitan ng pagtalon mula sa apartment ngunit naabutan ng mga rumespondeng awtoridad sa unang palapag ng kanilang tinitirhan.

Ayon sa mga awtoridad, umamin sa kanila ang 25-anyos na anak ng biktima na siya mismo ang nambugbog hanggang mapatay ang kanyang ina dahil sa umano’y patuloy siyang pine-pressure nito.

Hindi naman binanggit sa report ang pangalan ng suspek na hawak na ngayon ng mga awtoridad.

Sa pagsisiyasat ng mga imbestigador sa mga labi ng biktima ay nakitaan ito ng matinding pinsala sa ulo na posibleng naging sanhi ng agarang pagkamatay nito.

Bago ang insidente, nakarinig umano ang mga kapitbahay ng argumento mula sa apartment ng mag-ina.

Ayon naman sa DFA, awtomatiko na nagbibigay ang gobyerno ng consular assistance sa biktima.

Handa rin ang gobyerno na magbigay ng libreng abogado para sa kaso ng pinatay na Pinay.