Isang Pinay ang pinaniniwalaang pinatay saka itinapon ang bangkay sa ilog sa Sabah, ayon sa ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon.

Kinilala ng DFA ang biktima na si Madelyn Bernardo Asuncion na natagpuan umanong palutang-lutang ang bangkay sa Pengalan River sa Melalap ng mga plantation worker noong Nobyembre 28.

Ayon kay Ambassador Charles Jose, ipinagbigay-alam ng mga awtoridad ng Sabah sa Philippine ­Embassy sa Malaysia na posibleng isang kaso diumano ng homicide ang pagkamatay ni Asuncion.

Hinihintay pa aniya ng embahada ang opisyal na ulat tungkol sa insidente at ang resulta ng autopsy sa bangkay ng biktima.

Nabatid na tubong Zamboanga City si Asuncion pero may 10 taon na itong naninirahan sa Malaysia kasama ang kanyang ama.

Ayon sa DFA, tumulong ang ama ni Asuncion sa mga awtoridad sa pagkilala sa bangkay nito.