Pinay sa HK, 6 buwan minaltrato

Sa loob ng anim na buwan noong 2017, araw-araw na sinasaktan ang 28-anyos na si Lani Grace Rosareal ng kasamahan sa bahay ng kanyang employer sa Hong Kong.

Kapag nagkakamali o may hindi nagustuhang salita, isinusulat ito sa ‘punishment book’ upang ikaltas sa buwanang suweldo ng Pinay, kaya’t madalas ay may utang pa siya sa kanyang amo.

Kaya nang makatakas sa amo noong Nobyembre 2017, kinasuhan niya ang mga ito sa police at labor office upang makamit ang hustisya.
Si Leung Shet –Ying ang employer ni Rosareal, pero kasama nito sa bahay ang 63-anyos na retiradong immigration officer na si Au Wai-chun.

Ayon kay Rosareal, siya ay nakatikim ng sipa, binato ng remote control, puwersahang pinaluhod at isinubsob ang ulo sa sahig bilang parusa sa kanyang umano’y ‘di maayos na trabaho. Tinutukan din siya ng gunting sa leeg at nagbantang tatadtarin siya kung chopping knife ang hawak.

Madalas din siyang kaltasan­ sa suweldo, marami dito ay walang kinalaman sa kanyang trabaho.

Kapag naistorbo si Au sa panonood ng balita, ang multa dito ay HK$100; kapag hindi maayos ang ‘butterfly shape’ ng tuwalya, HK$40 ang multa; kapag nasobrahan ng tubig ang tsaa, HK$30; kapag hindi napahiran ng asin ang cucumber, HK$20; kapag hindi nag-sorry sa naunang pagkakamali, HK$50; kapag gumamit ng salitang ‘just’, HK$30; kapag ginamit ang salitang ‘misunderstood’, HK$50; kapag ‘di naihanda ang tissue box, HK$20; kapag hindi naging alerto sa kailangan ng amo, HK$30; kapag hindi naihanda­ ang ‘hand splint’, HK$20 at kapag hindi natanggal ang himulmul sa underwear, HK$20.

Tuwing katapusan ng buwan,­ ibibigay sa kanya ni Leung ang HK$4,210, tapos ay aatasan siya na direktang bayaran si Au sa kanyang multa na nakalagay sa punishment book, dahilan para lumabas na siya ay mayroon pang utang at halos walang nang sahudin sa loob ng anim na buwan.

Noong Enero, nagdesisyon­ ang Labour Tribunal na HK$2,408.70 lamang ang makukuhang unpaid wages at travelling allowance ni Rosareal­ dahil hindi naman si Au ang registered employer nito. Gayunman, inatasan ni Rosareal na maghain din ng reklamo sa Small Claims Tribunal.

Nabatid na si Au ay na-convict na sa pagmamalupit sa dati niyang kasambahay, isang Bangladeshi, noong 2014 matapos niya itong buhusan ng kumukulong tubig. Hinatulan si Au na mabilanggo ng dalawang taon at pagbabayad ng HK$200,000.

Nakauwi na sa Pilipinas si Rosereal matapos makakuha ng bagong employment visa.