May ideya na ang Philippine national wo­men’s team kung ano ang naghihintay sa kanila sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur.

Pinatikim ng Thailand ang Filipinas ng 25-21, 25-14, 25-20 defeat kahapon sa knockout quarterfinals ng 19th AVC Asian Senior Women’s Volleyball Championship sa Alonte Sport Arena sa Binan.

Nakaliskisan na ng Nationals ang mga pambato ng Thailand na sina Pleumjit Thinkaow, Hattaya Bamrungsuk, Wilavan Apinyapong, Chatchu-on Moksri at Tomkom Nootsara.

Sa opening set lang nakapalag ang Filipinas, naagaw pa ang manibela 17-16 pero hanggang doon na lang.

Biyaheng Final Four ang Thailand kontra Korea, laglagan ang Pilipinas at Chinese-Taipei sa classification (fifth-eighth spots).

Ten-time defending champion sa SEAG ang Thais, sa inilaro kahapon ay mukhang hindi pa rin mababalian at malamang ikahon ang pang-11 sunod na korona sa regio­nal games.

Kahit sina Alyssa Valdez at Jaja Santiago, hindi nakaporma.

Inikot ni coach Francis Vicente ang players sa paghahanap ng magandang kumbinasyon, pero hindi rin umubra ang pagtatambal kina skipper Mika Reyes at Gen Casugod.