Pines City Colleges iniimbestigahan sa mandatory pregnancy test

Sinisiyasat na ng Commission on Human Rights (CHR) ang ipinatutupad na mandatory pregnancy test ng isang kolehiyo sa Baguio City bilang “requirement” sa mga estudyanteng babae na nais mag-aral sa kanila.

Ayon kay CHR spokesperson ­Jacqueline de Guia, nilalabag ng Pines City Colleges (PCC) ang karapatan ng mga estudyante na makapag-aral sa nasabing eskuwelahan anuman ang kanilang kondisyon na kaya ng kanilang kalusugan.

Hindi rin umano dapat pagkaitan ang mga kababaihan na makapag-aral nang dahil lamang sa nagdadalantao sila.

Sinabi ni De Guia na aalamin nila ang batayan ng kolehiyo sa pagpapalabas ng nasabing order dahil maliwanag na taliwas ito sa itinatadhana ng Magna Carta for Women.

Una nang nag-viral sa social media ang memorandum na ipinalabas ng PCC kung saan ay pinagbabawalan ang mga buntis na estudyante na mag-enroll sa mga kursong clinical dentistry, roentgenology, anesthesiology at endodontics.

Samantala, iginiit ng PCC na karapatan nilang magpatupad ng ganitong patakaran para na rin sa kapakanan ng mga buntis na estud­yante.

Ikinatuwiran ng pamunuan ng PCC na nais lang nilang matiyak na hindi malalantad sa panganib ang estudyanteng buntis at ang sanggol na kanyang dinadala sakaling madestino sila sa mga ospital kung saan ay laganap ang virus mula sa iba’t ibang klaseng sakit.

Giit ng kolehiyo, bahagi ng ­nasabing mga kurso ang internship sa mga ospital na anila ay mapa­nganib na lugar para sa mga buntis.