Ping kay DPWH-Villar: Nasaan ang 50B pondo sa right of way?

Panfilo Lacson

Hindi pa tapos si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa pagkuwestiyon sa 2019 proposed budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na pinamumunuan ni Secretary Mark Villar dahil sa kanyang mga natuklasan tungkol sa inilaang budget bilang pambayad umano ng road right of way para sa taong 2018.

Nangako si Lacson na sa pagpapatuloy ng kanilang deliberasyon sa Enero, ipapakita nito ang ilang dokumento na may kinalaman sa mga una nitong kinuwestiyon na pinondohang proyekto sa ilalim ng 2018 budget.

“May papakita ako pagbalik sa Enero ang tinutumbok ng kalsada, subdivision e di bubuwagin mo buong subdivision? Hindi nga napag-aralan. Bahagi ng subdivision lang, pero pina-drone ko, para di na sila makatanggi,” saad ni Lacson.

“Ito ang sinasabi kong kaya ko pumayag ako i-restore ang P50B na pina-delete ko dahil sabi nyo settled ang ROW. Akala nila matatapos na doon ang usapin. Di ko naman tinigilan pina-submit ko sila ano ang completion. At ang submission nila magugulat kayo may physical accomplishment may 0.0%, 0.68%, matatapos na ang taon. So nasaan ang pondo?” diin pa nito.

Magugunitang sa deliberasyon noong 2017 para sa budget ng 2018, hinarang ni Lacson ang P50 bilyong pondo dahil nasilip nitong kasabay ng konstruksyon ng kalsada ang paglalaan ng pondo sa right of way.

Para kay Lacson, kailangan munang maayos ang usapin ng right of way, bago dapat pondohan ang pagpapagawa ng mga kalsada.

“Remember noong 2017 ganoon din, meron ako nasi­lip nagsimula sa P86B down to P50B, pina-delete ko. Pina-delete ko kasi di ito ma-implement dahil may special provision na bago mag-construct ng kalsada dapat ma-settle ang ROW. Napansin ko mga item road construction and repair including ROW. Di pwede pagsabayan ito kasi di ito magagamit.

Pumayag ang Senado ma-delete ang P50B. Pagdating sa bicam naroon ang problema kasi na-restore yan,” salaysay ni Lacson.

Idinagdag ni Lacson na pinapuntahan niya ang ilang lugar na may isyu ng right of way, kung saan natuklasan nito na bagama’t may kalsada na, nasa gitna naman ang ilang bahay na nanga­ngahulugan na hindi pa talaga nababayaran.

“Natatawa kami at naiinis kami dahil kongkreto ang kalsada pero biglang may bahay sa gitna. Kinausap namin ang may-ari ng bahay at lupa, bakit kami aalis dito walang nakiusap sa amin na kung magkano halaga ng ibabayad sa amin wala talagang naki­pagusap. May pumunta na may dalang pro forma na letter pinapapirma sa kanila, halos blangko ang halaga. Di siya pinirmahan,” dagdag nito.

“Ang tanong ang laking pondong nilalaan din sa GAA para sa ROW. Ang 2017 or 2016, I think may P29B para lang sa ROW. E kung hindi nila sinesettle ang ROW saan napunta ang halaga na yan?” diin pa ni Lacson.