Kinuwestyon ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang gawain ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na kinakalikot pa o naglalagay ng mga insertion at realignment sa panukalang 2020 national budget kahit inakyat na ito sa Senado.
“I can only say this. Kaduda-duda ang na-transmit na sa amin o approved nila on 3rd and final reading pero nag-e-entertain pa sila ng pagsumite sa small group committee, galing sa kanila, sa leadership ng HOR (House of Representatives), na puwede pa sila mag-submit ng amendments after 3rd and final reading. Sabi ko ano ito? ‘Di ba pinasok ito sa in-approve nilang amendments, bakit kailangan pa mag-submit sa small group committee?” sabi ni Lacson.
Tinawag ng senador na “malevolent and sneaky” ang ganitong gawain ng liderato ng Kamara na kahit tapos nang ipasa ng kapulungan ang panukalang budget ay kung ano-anong insertion o realignment pa ang hinahabol.
“Doon makikita ang wala akong maisip na word kundi malevolent and sneaky.
Sneaky rin kasi bakit kailangan itago sa plenaryo ang pag-submit ng individual amendment at ‘di isama sa isa-submit sa Senado? Magkakaroon ng contention pagdating sa BCC, ang BCC ‘di open sa lahat na member. Pagdating sa BCC kung sino lang designated member ng BCC makarinig doon,” sabi pa ni Lacson.
Nangyari na umano ito noong tinatalakay pa ang 2019 national budget dahilan para ma-delay ang pag-apruba nito.
“Mas masama ang ginawa roon, tapos na bicam, ratified na, nang nag-print sila ng enrolled bill, naiba ang na-ratify naming pinagusapan pati sa BCC.
Mabuti na lang ang sinulat ni SP Sotto, in-adopt ng PRRD kaya veto niya ang P95 bilyon,” ani Lacson.