Nasa mataas na ­antas ang paghahanda sa inaasahang pagbisita sa bansa ni Chinese President Xi Jinping. Batay sa mga inisyal na impormasyon, ito’y magaganap sa huling bahagi ng buwan ng Nobyembre.

Sa pagkikita nina PDU30 at Xi Jinping, nakatakdang lagdaan ang mga dokumento ng kasunduan sa pagtutulungan ng Manila at Beijing tulad ng ‘joint oil exploration’ sa West Philippine Sea, pagtatayo ng linya ng tren mula Maynila patungong Matnog, Sorsogon at iba pang mga kasunduang may kinalaman sa kalakalan at turismo.

Ano ba ang kahala­gahan ng pagbisitang ito sa Pilipinas ni Xi Jinping? Pagpapatunay kaya ito sa naging pahayag ni Chinese Foreign Minister Wang Yi, na mataas ang pagkilala ni Xi Jinping kay PDU30 at itinuturing na isang ‘best friend?’

Sa mga Asyano, ang mga pahayag na ganito, sinabi man sa personal o opisyal na kapasidad – tulad ng pahayag ni Wang Yi – ay may bigat. ‘Commitment’ ang tawag dito.
Ito’y maaaring ‘commitment’ ng China na panatilihin ang ‘status quo’ sa West Philippine Sea – ang pagkakaroon ng ‘zone of peace and neutrality.’ Hindi lamang ang Pilipinas ang makikinabang kundi ang iba pang mga bansang kasapi ng ASEAN at mga bansa na nasa rehiyon ng Asya at ­Pasipiko.

Ang Pilipinas bilang ‘founding member’ ng ASEAN ay ma­a­­a­ring maging tulay sa anumang usapin o isyu na makakaapekto sa ASEAN-China dialogue.

Napakahalaga ng tinatawag na ‘personal to personal relationship’ ng mga lider ng bansa. Anumang hindi pagkakaunawaan ay agad mareresolba dahil may direktang komunikasyon ang bawat isa. Nawa’y ang ­magandang relasyon sa pagitan nina PDU30 at Xi Jinping ay maramdaman ng mga Pilipino.

***

Anumang ganda ng proyekto, kung hindi naman makikita at mararamdaman ng mga tao ay balewala rin. Kaya napakaha­laga ng tinatawag na ‘people to people relations.’ Ang mga bagay na hindi magagawa ng gobyerno ay maaaring maisulong sa pamamagitan ng tinatawag na ‘people’s organization.’

Malaki ang maitutulong ng mga samahang ito para makarating sa malalayong lugar ang kahalagahan ng anumang proyekto.

Halimbawa ang larong ‘pingpong.’ Maraming Pilipino ang mahilig maglaro ng ‘pingpong.’ Ang mga Chinese, ‘malupit’ sa larong ito.

Sa unang tingin, ­parang simple ang larong ito. Pero nangangaila­ngan ito ng skill, enerhiya, ­taktika at diskarte na hindi kailangan ng giyera.
Napakahalaga ng larong ito, hindi ­lamang sa relasyon ng mga gobyerno at mga tao sa daigdig.

Sa larong ito iniluwal ang katagang “pingpong ­diplomacy,” na nagresulta sa ­pagkakaroon ng ­kapayapaan sa mundo.

Sa “pingpong ­diplomacy,” panalo ang lahat, talo man sa laro.