Pingris kay Ranidel: Toy ‘wag na umiyak!

Nagkaroon ng pagkakataon si Marc Pingris na alaskahin ang kaibigang si Ranidel De Ocampo matapos ihayag ni RDO na magre-retiro na siya sa basketball.

Magkasama pa ang dalawa nang basagin ni De Ocampo ang balita sa 2OT podcast nina Carlo Pamintuan at Magoo Marjon noong Lunes.

Magkaribal sa PBA sina Ping at RDO, pero sa labas ay sanggang-dikit at naging teammates sa national team.

Sa Instagram, nag-post si Pingris ng throwback picture nilang dalawa. Nasa podium sila, katatapos ng semifinals match ng Gilas Pilipinas kontra Korea noong 2013 FIBA Asia Championships.

Nakayuko si Ranidel, naiiyak, nakahawak sa ulo niya si Pingris habang inaalo.

“Toy ‘wag ka na umiyak, love naman kita, eh,” caption ni Ping. “Pati ako napaiyak mo.”

Sa final 1 ½ minutes ng laro, ibinaon ni De Ocampo ang crucial 3 na naglatag ng 86-79 win kontra Korea sa semifinals na nagbigay sa Pilipinas ng ticket sa FIBA World Cup.

Pagkatapos ng laro sa MOA Arena ay umiyak nang todo si RDO.

“Salamat sa mga time na magkalaro tayong dalawa. Alam ko na maraming bata ang gagaya sa yapak mo,” dagdag ni Pingris. “Dami ko gusto sabihin, Toy, pero saka na lang ‘pag nagkuwentuhan tayo sa farm. Congrats kaibigan!”

Tinapos ni Pingris ang post sa pasasalamat kay De Ocampo.

“Salamat sa time mo sa PBA, Gilas. Ngayon family time naman.” (Vladi Eduarte)