Sinalpok ng tren ng Philippine National Railways (PNR) ang isang kotse nang tumawid umano ang driver ng kotse kahapon ng madaling araw sa may Abad Santos Avenue, Tondo, Maynila.

Ayon sa Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), alas-4:50 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa lugar.

Nabatid na galing ang tren sa Governor Pascual station sa Malabon at patungong Maynila nang mabangga ang puting kotse sa may Abad Santos Avenue.

Ayon kay Joseline Geronimo, tagapagsalita ng PNR, kapwa nagkaroon ng damages ang dalawang sasakyan pero wala naman nasugatan sa naganap na insidente. Maging ang 30 pasaherong sakay ng tren ay nailipat rin sa ibang tren.

Nalaman na pinilit umano ng kotse na tumawid sa riles kahit na may paparating na tren.

Pasado alas-6:30 ng umaga nang maialis sa riles ang naaksidenteng tren at kotse. (Juliet de Loza-Cudia)