Magiging bahagi ng SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards sa susunod na buwan sa Maynila Hall ng Manila Hotel ang dalawang dating sportswriter ng bansa na sina Department of Agriculture Secretary Emmanuel ‘Manny’ Piñol at Philippine Journalists Inc. editor-in-chief Augusto ‘Gus’ Villanueva.

Magsisilbing panauhing pandangal sa dalawang oras, pormal na okasyon na ipiprisinta ng MILO at Cignal TV si Piñol bilang representante ni Pangulong Rodrigo Duterte, habang tatanggap naman si Villanueva ng Lifetime Achievement Award.

Dati ring pangulo ng PSA si Villanueva habang naging kasapi rito ang kalihim ng DOA.

“It’s a huge honor for the PSA to acknowledge and recognize two former sportswriting colleagues who rose from the ranks to become the distinguished personalities they are known today,” sabi kahapon ni PSA president Dodo Catacutan ng SPIN.ph.

Pararangalan din ang mga pinakamagagaling na atleta ng nagdaang taon sa pangunguna nina boxer Jerwin Ancajas, tenpin bowler Krizziah Lyn Tabora at billiards player Carlo Biado.

Gagawaran sila ng PSA-Tapa King Athlete of the Year awards sa seremonyang iniisponsoran ng Philippine Sports Commission (PSC) at mga suportado ng Mighty Sports, Philippine Basketball Association (PBA), Globalport at ng Rain or Shine.