Mayroong mga nagdududa sa pagkamatay ng mag-asawang Pinoy na nalunod sa isang resort sa Maldives habang ini-enjoy ang kanilang honeymoon matapos ikasal noong Disyembre 2018.
Sari-saring reaksyon at pakikiramay ang ipinarating ng mga kaibigan at maging ng iba pang netizen sa sinawing-palad na mag-asawang Leomer Lagradilla, 30-anyos, at Erika Joyce, 29-anyos.
Kabilang na rito ang mga pagdududa sa kanilang pagkalunod.
“Bakit may kulang s report? Ang sabi, naghingi dw ng tulong ang babae dahil nalulunod ang lalake tapos pagdating ng rescue, pareha na silang lumulutang???” tanong ng netizen na si Alex Max sa Facebook.
“Sa iba nman, nkita nlng na palutang2x ang katawan nilang dalawa…hmmm.. diba kung lumutang man, usually mapapadpad s ibang lugar or minsan di na mkikita pero sila, nkita nlng lumulutang kaagad sa same resort?? Pag mag snorkel diba mababaw lng at may guide pa yan at bangka or boat? Except nlng kung kabisado nila ang place at sila lng dalawa ang nag snorkel. Duda tlga ako..,” ayon pa kay Alex Max.
Kinukutuban din ang netizen na si Nanette Santos na “Baka may something pla yung place, baka nakuryente nga sa d nman, sana imbestigahan.”
Kaugnay na rin ito ng ipinost sa Facebook page ng biktimang si Leomer tungkol sa isang insidente ng pagkalunod din ng bagong kasal na nag-honeymoon sa pinuntahan nilang resort sa Maldives.
Base sa ulat ng The Irish Sun na ipinost ng isang netizen sa FB page ni Leomer, katulad din sa sinapit nila ang nangyari sa isang mag-asawa na nagbakasyon sa Maldives noong Oktubre 2018.
Nakaligtas sa insidente ang babae pero nasawi ang mister nito at lumalabas umano sa pag-iimbestiga ng mga medic na posibleng nakuryente ang mag-asawa dahil sa undersea cables sa lugar kung saan sila nag-swimming.
May mga tanong din ang mga kaanak nina Leomer at Erika Joyce sa biglaang pagkamatay ng mga ito.
Sabi ng ama ni Leomer, maraming kuwento at isa na rito ay mayroon umanong life vest ang kanyang anak pero wala na itong suot nang iahon kung kaya’t nais nilang malaman kung ano talaga ang nangyari.
Kung kaya’t nais ng kanilang mga pamilya na maimbestigahan pa nang mabuti ang pangyayari para malaman ang buong katotohanan.
Ipinahayag kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na iniimbestigahan na ng mga awtoridad sa Maldives ang insidente at aakuin umano ng kagawaran ang gastos para maiuwi sa Pilipinas ang mga labi ng mag-asawa.