Kontrobersiyal na natalo si Filipino jin Arven Alcantara kay hometown bet Rozaimi bin Rozali sa men’s -68kg final ng SEA Games taekwondo kahapon.

Si bin Rozali ang idineklarang panalo via ‘punitive declaration’ matapos magbuhol ang iskor sa 17-17.

Ayon sa head judge, nakalikom si Alcantara ng 10 gamjeoms (penalties) kaya na-disqualify. Ginigiit ng PHL camp na 9 lang ang gamjeoms ng Pinoy jin, base sa electronic scoreboard.

Pinanood ni Philippine Olympic Committee pre­sident Jose Cojuangco Jr. ang match mula umpisa, at hindi nito nagustuhan ang kuwestiyonableng tawag kaya agad inatasan si head coach Dindo Simpao na maghain ng protesta.

“This is not good for the sport,” giit ni Cojuangco. “The Malaysian should not get away with it.”

Agad ding tinawagan ni Cojuangco si Malaysian Olympic Committee secretary general Low Beng Choo para iparating ang reklamo.

May 13 seconds pa sa third and final round ng match, nag-rally mula 16-13 deficit si SEAG rookie­ Alcantara sa bisa ng humahaginit na long kick na tumama sa ulo ng Malaysian – katumbas iyon ng 4 points. Kaya lang, na-penalized si Alcantara dahil sa slipping kaya nagtabla sa 17-17.

Kung itinuloy ang laban, dadaan sana sa sudden-death ang dalawa, ang unang iiskor ang mananalo.

Nagkasya sa bronze si Pauline Louise Lopez, na­silat 4-3 kay Vietnamese Ja Thi Nguyen sa women’s -62kg final. gold si Lopez noong 2015 SEAG sa Singapore, pero sa mas mababang -57kg siya sumabak.

Natengga sa sixth sa overall standings ang Pilipinas sa 22-27-51 gold-silver-bronze. Una pa rin ang Malaysia (90-61-59).