Bumaba ang bilang ng mga Pinoy na naniniwalang sila ay mahirap.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng tatlong quarter ay bumaba ang porsiyento ng mga Pinoy na nagsasabing sila ay mahirap, alinsunod sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) kahapon.

Sa resulta, 44% ng 1,200 respondents sa survey na isinagawa noong Hunyo ang nagkukunsidera sa kanilang mga sarili na mahirap.

Ang nasabing porsiyento ay katumbas ng 10.1 milyong pamilya, ayon sa inilabas na statement ng SWS.

Ang self-rated poverty ay bumaba ng anim na puntos mula sa 50 porsiyento o 11.5 milyong pamilyang Pinoy noong Marso, ayon pa sa SWS.

Ayon sa SWS ang pagbaba ng bilang ng self-rated poverty sa buong bansa ay naitala sa Balance Luzon at Metro Manila na nakapigil sa bahagyang pagtaas naman sa Visayas at Mindanao.

Ang self-rated poverty ay bumaba ng 16 puntos sa Balance Luzon at naging 34% at 8 points sa Metro Manila na naging 28 percent. Tumaas naman ng pitong puntos sa Visayas at naging 64% habang 4 points naman sa Mindanao na naging 57%.

Ang June 23-26 SWS survey ay unang nalathala sa Business World na may sampling error margins na ±3% para sa national percentages at tig-±6 points sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas at Mindanao.