Pinoy natuto na ba matapos ang Yolanda?

Sa ikatlong taong ani­bersaryo ng pananalasa ng super typhoon Yolanda sa bansa bukas (Nobyembre 8), tiwala ang isang senador na natuto na ang mga Pilipino sa pagkakamali at masasabi nang disaster-resilient ang bansa.

Umaasa din si Sen. Richard Gordon, Chairman at CEO ng Philippine Red Cross (PRC), na nga­yong halos kumpleto na ang rehabilitation programs sa mga lalawigang sinalanta ng bagyong Yolanda, ay nakarekober na ang mga komunidad dito.

“As we mark the disaster that was Yolanda, I hope our country has strengthened its disaster response and management capability. Not only the government, but all of us.” ani Gordon.

“Yolanda should have taught us that ceaseless recovery and renewal should be our motto.

Dapat walang tigil tayong lumaban sa mga unos na dumarating. Sana natutunan natin na ang pagbangon at pagbago ng sangkatauhan natin ang kailangan,” giit ng senador.

Ayon sa senador, dapat baguhin na rin ng mga Pinoy ang pag-uugali na maging tamad, lalo na kung panahon ng bagyo kung saan marami ang pinipiling manatili sa bahay kaysa lumikas sa ligtas na lugar.

Samantala, ipinagmalaki naman ni Gordon ang naipagawang 76,461 bahay ng PRC sa siyam na Yolanda-devastated provinces ng Eastern, Central at Western Visayas, gayundin sa Palawan.

Nabigyan din ng PRC ng livelihood assistance ang 62,670 pamilya sa kabuuang halagang P752 milyon. Ipinakumpuni din ng Red Cross ang health facilities sa hala­gang P59.9 milyon.

Gumastos din ang PRC ng P128 milyon sa pagkumpuni ng mga nasirang classrooms at pinalagyan ito ng water at sanitation facilities.