Nakabalik na sa Pilipinas ang mga pambato nating poker player na lumaro sa Bahamas, kabilang na ang second runner up sa Players Championship na si Marc Rivera.

Balik sa dating gawi si Marc at nagbabad agad sa cash game sa Metro Card Club sa Ortigas. Nakapanood tayo ng interview kay Marc sa Bahamas at halata mong may kuwenta itong kausap at very accommoda­ting sa taga-interview.

Tulad nga ng aking nabangit dati sa kolum na ito, ibinida pa ni Marc ang mga magagandang nangyayari sa ating bansa.
Kaya naman medyo nagulat ako tila ba ayaw nitong magpa-interview sa mga kababayan niyang sportswriters. Gusto ko sana kasing matulu­ngan na ma-recognize ang kanilang kontribusyon sa Philippine sports kaya inilalapit natin sila sa mga kaibigan natin mula sa sports media.

Nagpapa-set sana ng interview ang isang editor mula sa isang sikat na pahayagan at pati na rin ang editor natin dito sa Abante Tonite na si Insan Ramil Cruz. Pero mailap si Marc pati na rin ang iba pa nating pambato na sina Mike Takayama at Lester Edoc.

Isa sa mga nakikita nating dahilan ay baka masilip ang kanilang kinikita sa mga poker tournament. Pero sa totoo lang, mas dapat pa nga silang maging open sa media para malaman ng lahat na hindi naman lahat ng napapanalunan nila ay napupunta sa kanilang mga bulsa.

Hindi naman sikreto sa mundo ng poker na meron silang mga manager na nakakaparte sa kanilang kinikita gaano man ito kalaki. Kung gusto talaga nating mapasikat ang poker sa Pilipinas, pangunahan sana ng mga sikat na player natin ang pagpu-promote sa larong ito.