Pinoy sa USA babalik na sa ‘Pinas

Nakakalungkot ang mga nagaganap sa Amerika ngayon. Ang naturang bansa na nga ang pinakaproblemado ngayon dahil sa COVID-19 pero sinabayan pa ‘yun ng mga protesta sa iba-ibang siyudad.

Nag-ugat ang malawakang protesta sa Minneapolis kung saan namatay ang isang Black American, si George Floyd, na tinuhod sa leeg ng isang Puting police officer.

Walang kaligtas-ligtas ang Amerikanong pulis na marami na palang kaso, nakunan ng mga camera ang ginawa nitong madiing panunuhod sa leeg ng nakaposas na African-American, hanggang sa kapusin sa hangin-mamatay ang biktima.

Natural, umalsa na naman ang emosyon ng mga Itim mula sa iba-ibang State ng Amerika, muling nabuhay ang dantaon nang paksa ng diskriminasyon na nauwi sa kaliwa’t kanang protesta na umabot pa nga hanggang sa White House.

Ang nakakalungkot lang ay nabahiran ng hindi kagandahang kulay ang protesta dahil may mga mapagsamantala. Kahit saan naman ay laganap ang mga taong naghihintay lang ng pagkakataong umaksiyon ng para sa kanilang sarili lang, ninakawan ng mga ito ang mga shop ng branded na produkto, pinagsisira pa nila at pinagbabasag ang mga salamin ng mga tindahan.

May mga kaibigan kaming nagpapalipas na lang ng panahon, plano na nilang bumalik sa ating bansa, para sa kanila ay pinakaligtas pa rin sila sa Pilipinas.

Na napakatotoo naman, ito ang kanilang teritoryo, dito sila ipinanganak at lumaki kaya alam na nila ang kasaysayan ng ating bayan.

Ito ang bansa ng matatapang na lahi, nagrereklamo sa matinding kahirapan, pero patuloy pa ring lumalaban para mabuhay.

Tama na ang mahabang panahong ipinagtrabaho nila sa Amerika, nakaipon na sila, mas magandang buhay ang naghihintay sa kanila dito kahit pa maraming pagkukulang ang mga tagapamuno ng ating bayan.

“Nakita ng mga anak ko ang looting, ang panununog ng mga building, ayokong lumaki sila sa ganitong kapaligiran na sa kulay pa lang, e, nagpapatayan na ang mga tao,” sabi ng aming kaibigan.

Pagbabalik ng ‘Probinsyano’ napalitan ng lungkot

Malungkot ang mga tagasubaybay ng Ang Probinsiyano ni Coco Martin. Una ay sa pagkakasarado ng ABS-CBN, wala na silang paraan para mapanood ang mga paborito nilang serye, kabilang na ang serye ni Ricardo Dalisay.

Natutuwa na sana sila dahil nakarating sa kanila ang impormasyong handang-handa na uli ang tropa ni Coco para sa pagpapatuloy ng taping ng serye, pero napalitan ‘yun ng lungkot, dahil kailangan pa pala nilang magbayad bago muling matunghayan ang palabas.

Sarado pa rin ang network, nakalutang pa sa hangin kung kailan sasahimpapawid uli ang istasyon, kaya pansamantala ay ipalalabas ang pinagbibidahang serye ng action star as Jeepney TV.

Paano na ang kanyang mga tagasuporta sa kanayunan na wala namang paraan para mapanood ang kanyang serye? Hindi naman lahat ng kababayan natin ay armado ng black box, free TV lang ang kanilang inaasahan, na malayo pang matupad dahil kasalukuyan pa lang na dinidinig sa Kamara kung mabibigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN o wala na silang pag-asa.

Kung napakalaking problema ang dulot ng COVID-19 sa buong mundo ay itinuturing namang masaklap na karanasan para sa milyun-milyon nating kababayang dati nang nakatutok sa ABS-CBN ang pagpapasarado sa network.

Hinahanap natin ang nakasanayan na.