Pinoy triathlete hilahod pero tumapos sa Norway

isklar-norsemen-xtreme-traihlon

Maski halos ikamatay na sa sobrang hirap ng isang Herbalife Team Filipino triathlete sa unang pagsabak sa Iskalar Norseman Xtreme sa Norway noong Agosto 6, hindi pa rin siya mapi­pigilan na patuloy mag-level-up sa sport.

Maluha-luhang ikinuwento kahapon sa ilang mediamen ni John Omar B. Paredes ng Los Baños, Laguna ang dinanas na hirap na halos ikasawi na niya sa pagsali sa 3.8km swim, 180km bike, 42.195km run para ma­ging unang Filipino fi­nisher sa annual triathlon na isa sa pinakamahirap sa mundo. Tinapos niya ang race sa loob ng 16 na oras.

Dumaan sa 13-degree ice cold water, mahangin, bulubundukin (limang bundok kasama ang Hardangervidda), mabato at magubat na ruta mula Eidf­jordloob pa-Mt. Gaustatoppen, nakapasok pa siya sa top 160 mula sa 250 entries at may award na black survivor T-shirt at pinapasok sa finish line.

“Napaka-brutal. Marami na lang akong pinagkunang hugot. Dasal kay Lord, pamilya, mga kaibigan, kinu-coach kong mga estudyante at ang mga sumuporta sa akin. Hindi ko inaasahaan na matapos ko talaga ang karera,” anang 5-foot-7, 36-year-old na 7-time Irondistance triathlon consistent podium fini­sher.

“Pagka-cross ko (ng finish line) ecstatic kasi pagod na pagod, after three minutes masaya na kahit hirap na hirap,” dagdag ni Paredes.

Umalalay sa kanya sa Norway ang kabiyak na si Laarni dalawang linggo bago ang karera.